Ang Malikhaing Kamalayan at Walong Dulang Panradyo

Villanueva, Rene O. (2006) Ang Malikhaing Kamalayan at Walong Dulang Panradyo. Masters thesis, University of the Philippines, Diliman.

Full text not available from this repository.

Abstract

Sa ngayon, marami nang bukal ng libangan at impormasyon ang karaniwang mamamayan. Kabilang dito ang telebisyon, sine, magasin, kompyuter, at iba pa. Sa kabila nito, nananatiling mahalagang tagapasa ng kultura ang radyo, lalo ang mga dulang panradyo. Mabisa ang radyo sa paglinang sa pagkamalikhain ng tagapakinig. Totoong marami ang nagtuturing sa radio bilang midyum sa pakikinig pero ang dulang panradyo ay hindi lamang midyum na pang-tainga. May kapangyarihan ito na pakilusin ang iba pang pandama, lalo ang biswal na pandama ng nakikinig. May kapangyarihan ang dulang panradyo na ipakita — ipalasa, ipaamoy, at ipadamdam — ang mga pangyayari, damdamin at kaisipan sa tagasubaybay. Radyo ang humubog at nagpaunlad sa malikhaing kamalayan (creative consciousness) ng mag-aaral kaya siya naging isang mandudula. Sa unang bahagi ng tesis, isasalaysay ng mag-aaral kung paanong nahubog ng radyo ang kanyang malikhaing kamalayan. Ang malikhaing kamalayan ang mahalagang salik sa pagkamalikhain ng isang manunulat. Hindi lamang dito mauugat kung anong anyo o form ang pipiliin niya (kung siya ba ay magiging makata, mandudula, kuwentista o mananaysay). Malaki rin ang papel nito sa pang-araw-araw na pagsusulat ng isang awtor. Saklaw nito ang halos lahat ng aspekto sa pagsusulat: mula sa pagpili ng paksa sa paraan ng pagtalakay pagpapasya sa mga gagamiting pampanitikang sangkap at pamamaraan at sa paggamit ng wika upang maging epektibo ang katha. Igigiit din sa tesis na ang malikhaing kamalayan ay hindi lamang usaping pansining. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa aspektong panlipunan nito, magiging mas makabuluhan at epektibo ang pagsusulat kung mapag-uugnay ng manunulat ang mga salik na pansining at panlipunan ng kanyang tula, kuwento, dula o sanaysay. Ang ikalawang bahagi ng tesis ay koleksyon ng mga dulang pangradyo na inihaharap ng mag-aaral bilang kasanayan sa malikhaing pagsulat. Ang walong tig-kalahating oras na dulang panradyo ay sinulat niya sa pagitan ng 2003 at 2005 para sa programang "PSR Pag-ibig Sexualidad at Relasyon." Ang PSR ay produksiyon ng Creative Collective Center Inc. (CCCI), isang non-government organization. Naglingkod siya sa programa bilang head writer. Sa loob ng tatlong taon (2003-2005), may 38 iskrip ang sinubaybayan niya. Unang sumahimpapawid ang PSR noong Oktubre 2003 tuwing Biyernes ng gabi, mula ikawalo hanggang ikasiyam sa DZME 1639 khz. Hanggang sa kasalukuyan ay napapakinggan pa rin ito.

Item Type: Thesis (Masters)
Uncontrolled Keywords: drama, drama criticism, drama history, Filipino drama, play (script)
Depositing User: Repo Admin
Date Deposited: 12 May 2017 14:36
Last Modified: 12 May 2017 14:36
URI: http://philippineperformance-repository.upd.edu.ph/id/eprint/550

Actions (login required)

View Item View Item