Kasaysayan at Estetika ng Komedya sa Parañaque

Tiongson, Nicanor (1979) Kasaysayan at Estetika ng Komedya sa Parañaque. Doctoral thesis, University of the Philippines, Diliman.

Full text not available from this repository.

Abstract

Sa loob ng limang kabanata’y nilayong ilahad ng disertasyon ang kasaysayan at estetika ng komedya sa Parañaque, upang mabigyang-halaga ang dula, bilang dulang Pilipino sa ating panahon. Upang mapaliwanag ang konteksto ng komedya sa Parañaque, ibinigay muna ng Kabanata I ang panimulang kasaysayan ng komedya sa bansa—ang binhi sa ibang bansa, ang dalawang panahon ng pamumulaklak at ang dalawang panahon ng pagtuligsa dito ng Pilipino’t dayuhan. Tinalakay naman ng Kabanata II ang naging pagka-unlad ng komedya sa dalawang baryo ng Parañaque, sa aspekto ng: orihinal; lunan at panahon; hermano at komite; entablado, telon, at gamit; ilaw at tunog; artipisyo; director at ibang katulong; personahe; kasuutan, gamit at meykap; musiko at musika; at manonood. Sa San Dionisio, nagkaroon ng apat na panahon ang komedya, mula 1850 hanggang 1976, samantalang sa Dongalo, ito’y dumaan sa tatlong panahon, mula 1875 hanggang 1976. Tinukoy naman ng Kabanata III, 1) ang 86 na orihinal na komedya na nalikom ng mananaliksik sa dalawang baryo ng Parañaque; 2) ang pamamaraan ng pagbuo ng orihinal (pati ng paghuhulma sa batayang balangkas, tauhan, at pangyayari; at paghango o pagkuha ng impluho mula sa ibang akda) at ang pagbabago ng isang orihinal (mga dahilan at paraan); at 3) ang orihinal at papeles ng giya, lua, saynete at entremes, na kadalasa’y kaagapay ng mga orihinal na komedya. Upang magagap ang kalagayan ng komedya sa Parañaque sa kasalukuyan, inihanay ng Kabanata IV ang maliklikang dokumentasyon ng pagtatanghal ng dalawang komedya saq Parañaque—ang Reynaldo sa San Dionisio, noong 1976, at ang Dumagat, sa Dongalo, noong 1975. Inilahad sa bawat pagtatanghal ang mga detalye ng hermano, komite at samahan; entablado, telon at gamit; ilaw at tunog; artipisyo; direktor at mga katulong; personahe at ensayo; kasuutan, gamit at meykap; musiko at musika; manonood; at ang kronolohiya ng mismong mga pagtatanghal. Uminog ang Kabanata V sa paglalagom at pagtatasa ng mga nailahad sa mga naunang mga kabanata. Sa kasaysayan ng komedya sa Parañaque, tinukoy ang kaayusang pang-ekonomiya at pangkultura, na naging sanhi ng pagyabong o panlulupaypay ng komedya sa dalawang baryo. Sa estetika ng dula, pinaghambing ang mga katangian ng estetikang tradisyunal, at estetikang “makabago,” ng dalawang pangunahing panahon sa kasaysayan ng dula. Sa wakas, nagbigay ng mungkahi ang pag-aaral kung paano mapapanday-muli ang komedya bilang dulang Pilipino sa ating panahon. Sa Apendise A, inilakip ang tatlong orihinal na komedya na itinanghal sa dalawang baryo, at pinagtuunan ng dokumentasyon—ang Prinsipe Reynaldo ni Sebastian Leonardo, ang Reyna Luduvina ni Arsenio Rodriguez, Sr., at ang Dumagat, Anak ni Lapulapu ni Carlos Gutierrez. Ang unang dalawa’y orihinal ng San Dionisio, at ang pangalawa’y sa Dongalo. Ang una’y halimbawa ng tradisyunal na komedya, samantalang ang huling dalawa’y halimbawa ng “makabagong” komedya—ang Luduvina, ang pina-igsing tradisyunal na komedya (na malapit-lapit na sa drama); at ang Dumagat, ang komedyang “avant-garde,” na Pilipino ang paksa at tauhan, at kaiba ang mga kumbensiyon. Sa Apendise B matutunghayan ang talaan na nilagyan ng deskripsiyon, ng mga orihinal na nalikom ng pananaliksik sa dalawang baryo. Sa Apendise K pinagsama ang partitura ng ilan sa mga marcha, pasodoble, laban at harana na ginamit sa Reynaldo noong 1976, na itineyp namin at pinasulat sa nota, sa musiko mayor ng Malolos, si Juliano B. Velasco. Sa Apendise D, inilakip ang ilan sa mahahalaga’t matatandang larawan, di lamang ng mga kasuutan at pagtatanghal ng mga dulang pinag-aralan, kundi pati na ng naunang mga tauhan at pagtatanghal.

Item Type: Thesis (Doctoral)
Uncontrolled Keywords: komedya, Parañaque, theatre, theatre criticism, theatre history
Depositing User: Repo Admin
Date Deposited: 14 Apr 2017 14:51
Last Modified: 26 Aug 2017 04:04
URI: http://philippineperformance-repository.upd.edu.ph/id/eprint/57

Actions (login required)

View Item View Item