Lapay Bantique: Tungo sa Pagbuo ng Identidad at Komunidad ng Masbate

Estoquia, Ma. Lyn R. (2009) Lapay Bantique: Tungo sa Pagbuo ng Identidad at Komunidad ng Masbate. Masters thesis, De La Salle University.

Full text not available from this repository.

Abstract

Isang pagtatangka sa pag-arok sa kultural na identidad at nagkakaisang komunidad ng Masbatenyo ang pakay ng papel na ito. Dantay ng mga karanasang nagtatak ng negatibong impresyon sa pisngi ng Masbate, sumibol ang pangarap na isang araw, mababanaag din ang liwanag at ang lahat ay malulugod. Ang siglay mangingibabaw at lahat ay babalikat sa mga simulaing aahon sa dangal ng bayan at susupil sa pagkakawatak-watak ng mga Masbatenyo sanhi ng politika at halo-halong pinanggalingan. Sa pagsibol ng Lapay-Bantigue Dance Festival, ang mga hangaring ito ay nabibigyan ng hugis. Susog sa teorya ng Imagined Communities ni Benedict Anderson at Nations and Nationalism ni Ernest Gellner, binagtas ng pag-aaral na ito ang kakayahan ng Lapay-Bantigue sa pag-ukit ng positibong identidad at nagkakaisang komunidad ng Masbate gamit ang archival research, Interview/Oral History at Ethnography sa pagkalap ng mga datos na kailangan. Malaking ambag sa pag-aaral ng araling Filipino ang layunin sa pag-aaral na ito at sa pagpapatingkad ng kultura at sining, gayundin sa pamayanan sa pagpapairal ng pagkakaisa tungo sa isang mapitagang komunidad. Pangunahing siniyasat ng pag-aaral na ito ang kasagutan sa kung paano binubuo ng Lapay-Bantigue ang identidad at nagkakaisang Komunidad ng Masbate. Kaugnay nito, ipinakita ng pag-aaral ang pinanggalingan at kasaysayan, inilarawan ang pagsasagawa sa pamamagitan ng Etnograpiya at Koryograpiya, at inilatag ang Sosyolohiya upang madalumat ang kakayahan ng sining sa layuning binubuo ng pag-aaral. Batay sa mga detalyeng inihain ng pagsisiyasat, nahinuha ang mga kalakasan at mga pamamaraan sa pagpapanatili nito kasabay ng mga kahinaang dapat sugpuin upang makilala ang mga oportunidad na dapat pagsikapan at pagharap sa mga banta na maaaring sumagabal sa tuluyang tagumpay ng Lapay-Bantigue Dance Festival. Sa kabuuan, ang pag-aaral ay nagpakita ng mga sumusunod na konklusyon: Ang epekto ng pagtatanghal ng Lapay-Bantigue Dance Festival ay isang masayang elaborasyon ng kapaligirang may mataas na pagkilala sa sining. Ang pagsasanib ng mga payak na mga galaw mula sa orihinal na katutubong sayaw na pinagyaman ng yumaong si Felisa A. Tupaz sa mga bahaging nagpapanukala ng kultura at relihiyon, ay palatandaan ng pagsulong sa pagiging malikhain ng Masbatenyo. Ang mga ritwal ng panata sa Santang si Felomina sa pamamagitan ng Panaad at Pahiris ay nagpapamalas ng pagpapasakop ng Masbatenyo sa birtud ng relihiyon. Buhay ang paniniwala ng Masbatenyo sa ispiritwal na pakikiangkop upang tuntungan ito sa kanyang pagharap sa mga salimuot ng buhay. Mula sa inspirasyong inilaan ng kasaysayan ni Santa Felomina kung saan, ang kanyang mga hinagpis at paghihirap ay tinubos ng kanyang matibay na paniniwala sa relihiyong Kristyanismo, ipinapakita ng pag-aaral na ito na buhay ang pag-asang mahaharap ng bawat Masbatenyo ang mga banta sa kanyang paligid tulad ng pagdarahop at maruming uri ng politika. Ipinapakita sa pag-aaral na kung paiiralin ang mga masisining na gawaing kultural tulad ng Lapay-Bantigue, magbibihis ang Masbatenyo mula sa mga gawaing politikal na sadyang mapaminsala sa lipunan ng Masbate. Susupilin ng mga kultural na gawaing ito ang pag-iral ng masamang politika sa lalawigan sapagkat mamimirata ito ng isipan upang ibaling ang atensyon ng Masbatenyo sa mga masisining na gawaing pangkultura hanggang sa tuluyang maging malaya ang Masbatenyo sa pwersa ng maruming politika. Ito ay maghuhudyat ng unti-unting pagbangon ng Masbatenyo mula sa pagkakalugmok sa mga gawaing politikal na naging mitsa sa pagkakawatak-watak ng komunidad ng Masbate. Ganundin, ipinapakita ng pag-aaral na ito na ang kasalukuyang imahen ng Lapay-Bantigue ay hindi lang isang kakaibang inobasyon ng isang Masbatenyo na ang buhay ay pinagyaman ng masasalimuot ngunit makabuluhang karanasan; ng isang Masbatenyong ang mga mithiin ay nakabatay sa kasaganaang hinahain ng kanyang karagatan at kabundukan at ng kaugnayan nito sa kalayaang tinatamasa ng mga Ibong Lapay sa himpapawid ng kalangitan; ng isang Masbatenyong may kulturang nag-aanyaya ng antropolohikal na paggalugad upang palitawin ang kanyang masining na kaakuan. Ang Lapay Bantigue ay isang pagtatanghal ng matibay at masining na panawagang nagpapamalas ng kaakuan ng Masbatenyo. Isang simbolong nagsusumigaw ng tunay na identidad, nagpapahiwatig ng pagbubunyi sa mga chants na binibigkas at buhay na instrumentong pangmusika upang pagbuksan ang pag-asa, isigaw ang maayos at payapang komunidad para sa Masbatenyo. At sa pagbubuod, mariing pinaninindigan ng pag-aaral na ito na ang tagumpay ng Lapay Bantigue ay nasa pagpapala ng lipunang Masbatenyo at ang pagkakaisa ng lipunang Masbatenyo ay makikita sa tagumpay ng Lapay-Bantigue at ang dalawa ay bubuo ng isang maayos na pamayanan na magtatatak ng isang identidad ng bayang mapitagan. Tunay na estratehiya ang Lapay-Bantigue Dance Festival upang matupad ang hangaring ito. Gayunpaman, maraming anggulo ang maaari pang tuklasin kaugnay sa pag-aaral na hindi nasakop. Maaari itong magbukas ng ibayong pananaliksik, kung kaya, iminumungkahi ng pag-aaral ang mga sumusunod: 1. Ang Lapay-Bantigue Dance Festival at Ekonomiya ng Masbatenyo. 2. Ang Lapay-Bantigue Dance Festival sa pananaw ng mga relihiyoso. 3. Ang pag-aaral sa Lapay-Bantigue gamit ang balangkas ng ibang teorya sa pagpapairal ng relihiyosong katangian ng mga Masbatenyo. 4. Ang pagsasanib ng Koryograpi sa Panata Dance at koryograpi ni Ginoong Obusan sa Bantigue Dance bilang malayang paglalarawan sa mga hangarin ng Masbatenyo. 5. Iba pang estratehiya na makakatulong sa pagbubuo ng positibong identidad ng Masbate at pagbubuo ng nagkakaisang mamamayan. 6. Paggalugad sa paniniwalang politikal ng mga Masbatenyo at ang kaugnayan nito sa kalagayang panlahat. 7. Ang pagtuturo at pagkintal ng mga pagpapahalagang nakapaloob sa sining ng Lapay-Bantigue sa isipan ng kabataan bilang konkretong pagtataguyod sa kulturang Masbatenyo. 8. Isang mungkahing pag-aaral para sa pagpasok ng Masbate Culture bilang isang asignatura sa Special Program in the Arts (SPA). 9. Ang lipunan ng Masbate sa global na pananaw ng mga kabataan. Ang pagbalikat ng Lapay-Bantigue sa pinapangarap na transpormasyon ng lalawigan ay isang hamon na tumatakal sa pag-unawa at paniniwala ng mga tagapagtaguyod at tumatangkilik . Mula rito, matatanto na ang positibong identidad ay makahulugan at hindi nababago sa kamalayan ng tao. Mabisa ito sa pagbuhay ng pagkakaisa upang maipagmalaki ang bayan. Ito ang inspirasyong pinukaw ng Lapay-Bantigue sa mga Masbatenyo.

Item Type: Thesis (Masters)
Uncontrolled Keywords: dance, dance criticism, Masbate
Depositing User: Repo Admin
Date Deposited: 12 May 2017 14:42
Last Modified: 12 May 2017 14:42
URI: http://philippineperformance-repository.upd.edu.ph/id/eprint/559

Actions (login required)

View Item View Item